Wednesday, March 5, 2008

Bechay

Bechay

“Akin na ang sorbetes ko.”
“Sorbetes mo? Akin ‘to noh!”
Napakunot noo ako sa kanya. Siya lang naman an nag-iisang kong katabi.
“Kinain mo na yung sorbetes mo! Tingnan mo nga ang mukha mo! Ayan ang ebidensya o! Dungis na ang bibig mo!”
Napatahimik siya. Matagal-tagal rin niya akong tiningnan. Pagkatapos nun ay nginitian niya ako sabay abot ng sorbetes. Tinanggap ko agad ito at sabay kaming naglakad pabalik sa klasrum. At doon nagsimula ang aming pagkakaibigan. Parang wala rin ngang kwenta ang aming pagtatalo dahil nalusaw na ang ice cream.

Maliban sa mga magulang ko, si Polo lang ang hindi tumatawa sa pangalan ko. Paano ba naman ay ipinaglihi ako sa pechay kaya Bechay ang ipinangalan sa akin ni Nanay. Dahil dun, madali na kaming nagkasundo. Kahit ganyan lang pumorma si Polo, matalino yang kaibigan ko. Minsan nga ay sa kanya ko pa ipinapagawa ang assignments ko!

Maraming magagandang aral rin ang tinuro niya sa akin. Isa na rito ay ang hindi pagkalat sa kapaligiran. Isang beses, nang nakaupo kami sa bench, hinulog ko sa lupa ang plastik ng aking korniks. Agad niya naman ito dinampot at pinangaralan ako.
“Ano ka ba naman Bechay! Masamang magkalat noh!” sabay tapon nito sa basuran.
“Bakit? Marami na ngang kalat sa paligid o! Hindi naman ‘yan mapapansin kung dumagdag man ang kalat ko!”
“ Kaya nga Bechay. Marami nang kalat. Huwag mo nang dagdagan.”
Simulan noon ay hindi na ako muling nagkalat.

Alam nyo bang pareho ang petsa ng aming kapanganakan? Tuwing bertdey naming dalawa ay umaakyat kami ng bukid, ideya ko iyon. Doon sa pinakatuktok, isinisigaw namin ang aming mga kahilingan.
“Panginoon, kahit manika lang na regalo okey na sa akin! At tsaka nga pala, sana gumanda namang pumorma si Polo para hindi na ako mapahiyang kasama siya! (Hahaha!) Biro lang po!”
“Panginoon, sana ay biyayaan nyo naman po ng kahit kaunting talino si Bechay!” at siya namang pagbatok ko sa kanya.
“Biro lang! Alam kong matalino ka naman e, tamad nga lang!” at isa na namang pagbatok ang ginawa ko.”
“Panginoon, sana po ay tumagal ang aming pagkakaibigan!!!! Salamat po!!” Ito parati ang huli naming kahilingan.


Pero hindi rin nagtagal ang pangakong iyon. Pagpasok ko sa klasrum isang araw ay hindi ko na siya matagpuan sa kanyan upuan. Nakapagtataka kasi iyon dahil palagi siyang maagang pumapasok. Dahil late na naman ako nun, lumapit ako at nagtanong kay titser.
“ Titser, asan po si Polo? Andito ba siya kanina?”
“ Hindi ba niya nasabi sa iyo Bechay? Lumipat na naman sila ng kanyang pamilya sa ibang lugar. Umalis na siya. Mukhang hindi na babalik dito si Polo.”
Napakalungkot nang araw ko noon. Iniyakan ko ang pagpanaw niya. Bakit niya kailangang umalis? Bakit hindi siya nagpaalam sa akin? Mula noon ay wala na kaming komunikasyon.

Ilang buwan na ang lumipas at may natanggap akong sulat. Laging gulat ko at galing pala iyon kay Polo. Dali-dali akong tumakbo sa aking kwarto at binuksan ito.
Napakalaking liwanag ang nakita ko. Pagkatapos nun ay may lumabas na hologram ni Polo na nakasuot ng isang makintab na damit.

“Kamusta ka na Bechay? Pasensya na kung ngayon lang ako nagpakitang muli. Di ba tinanong mo sa akin noon kung saan kami nakatira? Ang katotohanan Bechay ay isa akong alien. Nakatira kami sa napakalayong planeta mula rito. Pasensya na ha at ngayon ko lang sinabi sa iyo. Dito kasi kami sa mundo nyo nagbabakasyon. Huwag ka nang umiyak dyan o, sayang lang ang kagandahan mo. Bechay, bibisitahin rin kita balang araw. Pasukan na kasi sa amin dito kaya matatagalan pa akong bumalik. Baka abutin na ng ilang taon. Basta ipangako mo nalang sa akin na aantayin mo ang pagbabalik ko. Sumpaan ng magkaibigan diba? Kailangan ko na palang umalis. Paalam na Bechay! Mag-iingat ka dyan at mag-aral kang mabuti! Sa muling pagkikita! Paalam!!”

Naglaho ang imahe ni Polo at natulala lang ang luhaan kong mukha. Akalain nyo? Totoo pala! Pero alam nyo ba? Masaya ako dahil magkikita rin kami balang araw. Kahit na umabot pa ito ng ilan taon, maghihintay ako. Sumpaan ng magkaibigan diba?

No comments: