Sinasabi na noong unang panahon sa pulo ng Bohol sa Kabisayaan, ang lupa ay malawak nguni't tigang- Namimitak ang bukirin kapag tag-init at tunay na pagpapawisan ang sinumang magtatangkang tumahak sa patag na lupaing iyon. Ngunit kapag tag-ulan naman ay putikan ito. Sa tagsibol lamang ng palay lumalamig sa paningin ang mga luntiang tanim sa lupa.
Ngunit isang araw, ayon sa matatanda, sa magkabilang ibayo ng pulo ay dumating ang dalawang higante. Nanggaling ang isa sa gawing timog, ang isa naman ay sa hilaga. Nangatakot ang mga tao at sila ay lumisan patungo sa ibang bahagi ng pulo. Anupa't di nagtagal at nagtagpo ang dalawa.
“Hoy! Higanteng pulpol! Lupain ko ito, ang sabi ng Timog Higante. Umalis ka na at humanap ng sarili mong bayang aangkinin.”
“Hindi maaari! Nauna ako dito,” sagot ng Higanteng Hilaga. “Kung gusto mo, ay ikaw ang umalis.”
“Hindi ako makapapayag,” sabay padyak na wika ng isa. Yumanig ang kapaligiran.
“Aba! Lalo naman ako!,” palundag na sigaw ng nagngingitngit na higante.
At dahil katatapus-tapos pa lamang ng tag-ulan noon ay pumulot si Higanteng Hilaga ng putik at ibinato kay Timog. Bumilog din si Timog Higante ng bolang putik at ibinato kay Hilaga. Bakbakang umaatikabo!!! Nagmasid na lamang ang mga tao sa paghahamok ng dalawa. Talagang matira ang matibay. Ngunit tila walang matibay. Walang natira sa dalawa. Sa tindi ng pagod sa pakikipaglaban at pagbabatuhan ang dalawa ay kapwa natimbuwang na wala nang buhay.
Ang natira ay tumpuk-tumpok na bolang putik na kanilang ipinagbabato sa isa't isa.
Bumalik ang mga taong-bayan. Namuhay silang matahimik. Ang labing mga bunduk-bundukan kapag tag-araw ay animo tumpok ng kending tsokolate kung kung pagmamasdan sa papawirin. Ngunit ang mga ito ay naggagandahang bulubunduking luntian pagkatapos ng tag-ulan.
No comments:
Post a Comment