Ito ay tinawag na isa sa "gintong pabula" sapagkat ang aral ay mahalaga; isiping mabuti habang binabasa
Minsan ay nag-usap si Ulo,Kamay at si Paa. halos bulungan lamang ang kanilang pag-uusap sapagkat baka malaman ni Tiyan na siya ang pinag-uusapan.
Wika ni Ulo, "Hoy, ano'ng palagay nyo, hindi ba iyang si Tiyan ay hari ng katamaran? Lumalabas na parang mga alila lamang niya tayo.
Matagal nang nasa isip ko iyan," ang sagot agad ni kamay. "kami ng kakambal ko'y wala na lamang inaasikaso sa araw-araw kundi ipaghanda iyan ng makakain. Umaga, tanghali, gabi, ang isinisilid na lamang sa kanya ang hinahanap naming magkakapatid. "
"Nasabi ninyo iyan," ang sambit ni Paa at akala ba ninyo'y ginhawa ang lagay namin ng kakambal ko" Kung saan-saan kami nakararating sa paghahanap ng pagkain para sa kanya. Ewan ko ba. Bakit ba tayo'y totoong na paaalipin sa tamad na Tiyang iyan?. Pumadyak pa man din si Paa pagkasabi niyon?
"At maselan pa," ang sabi ni Ulo. "Napapagod na ako ng kaiisip ng dapat bilhin para sa batugang Tiyang yan."
"Ano kaya ang mabuting gawin natin para malaman niyang hindi niya tayo maaaring alipin sa habang panahon? Si Kamay ay nagsalita na may kasabay pang kumpas.
"Ah, alam ko na," ang bulalas ni Ulo, na halos napasigaw sa malaking tuwa.
" Sssst," ang saway ni Paa. "Ano yong naiisip mo?" Pagwelgahan natin si Tiyan, ang wika ni Ulo. "Magaling, " ang sabi ni Kamay
"Great! ang sigaw ni Paa. "Kung gayon ," wika ni Ulo "Mula bukas, huwag na tayong kumilos. Hindi na ako mag iisip ng dapat bilhing maisisilid sa kanya.
"Tama. Hindi na ako magluluto pagka't walang mailuluto," ang wika naman ni Kamay, Sa wakas ay mapapahinga naman kami ng kakambal ko".
"At kami naman ng kapatid ko ay hindi na mapapagod ng kahahanap ng gusto niyang pagkain, " wika ni Paa. "Sa wakas, tayo'y makagaganti rin kay Tiyan sa matagal na panahong pang aalipin niya sa atin."
At hindi na nga nag-iisip si Ulo sa pagkaing dapat bilhin para kay Tiyan. Si Kamay at ang kakambal niya'y hindi na rin nagluluto ng pagkain at lumayo na sa kusina. Si Paa at ang kapatid niya'y namalagi na lamang sa bahay at hindi na lumakad maghanap ng pagkain.
Ngunit ang kanilang katuwaan ay hindi nagtagal. Isang maghapon pa lamang ang nakararaan ay parang nagdidilim na ang paningin ni Ulo at may kirot na pumipintig sa magkabilang tagiliran niya. Hindi halos maiangat nina Kamay at Paa ang kanilang sarili.
Ako'y nanlalambot," ang wika ni Kamay
"Kami man ng kakambal ko, "ang wika naman ni Paa.
"Ako'y nahihilo, " ang wika naman ni Ulo. "Parang umiikot ang lahat. Hindi yata magaling ang ginawa natin, " ang sabi ng dalawa.
Sa palagay ko nga, " ang sambit ni Kamay na inayunan naman ni Paa. "Si Tiyan ay wala ngang ginawa at sa malas ay parang tamad na tamad, ngunit" Hindi natapos ang kanyang sasabihin. Noon di'y nag isip si Ulo ng dapat bilhing pagkain. Tinungo ni Paa at ng kanyang kakambal ang palengke. Sa loob ng halos kalahating oras lamang si Kamay at ang kapatid niya'y abalang-abala sa kusina.
Nang masidlan na si Tiyan, Si Ulo'y nakaramdam ng ginhawa. Sina Kamay at Paa ay nagkaroon ng lakas at muling sumigla.
Gintong Aral
Ang pamilyang hindi nagkakaisa, samakatuwid bagay kanya-kanya ay walang patnubay ng Dakilang lumalang.
Ngunit ang sambayanang may Pagkakaisa, may Pagmamahalan, may magandang kalooban at higit sa lahat ay mayroong banal na takot, ay siyang kinalulugdan ng Dakilang lumalalang.